TUPADA : AMERICAN STYLE
By Rolando S. Luzong

“Kapag may makati, di maaring hindi kamutin”
Teka muna. Baka kung ano naman ang nasa isip n’yo. Ang tinutukoy ko po ay ang mga nasaksihan at naranasan ko sa Amerika tungkol sa takbo ng sabong doon.
Komo nga tatlong states (Louisiana, Oklahoma at New Mexico) na lamang ang natitira sa kabuuang 50 estado ng Amerika kung saan legal ang sabong, kapag nagkaroon ng sabong sa ibang lugar eh di illegal na ‘yon . Kaya ano pa ang itatawag natin doon kundi tupada.
Halos sa buong Amerika ay may mga sabungero na kahit paunti-unti lamang ay nag-aalaga o nagpapalahi ng mga manok-pansabong, pero, kapag lalaban sila sa mga cocking states na nabangit ay kailangan silang bumiyahe ng 500 hanggang 2000 kilometro. Doble kasama ang pabalik.
Katulad na lamang ng maglakbay kami mula sa Mexia, Texas papunta sa Texoma Game Club (cockpit) sa Oklahoma. Apat na oras kaming naglakbay ng walang hinto sa bilis na 120 kilometro bawat oras. Kung kukuwentahin, ito ay 480 kms. Pano pa kaya ‘yung mga nanggagaling ng Alabama, Florida at California. Biruin mo, kung sa eroplano ay tatlong oras mula San Francisco, California hanggang Dallas, Texas eh di para na ring galing ka ng Batanes dala ang manok mo at ang derby naman ay sa Basilan. Kung magbibiyahe ka sa lupa, pinakamahina na siguro ang tatlong araw.
Kaya kapag nasumpungan ng mga sabungero sa mga non-cocking states na magsabong, wala silang magawa kundi ang makipaglaro sa batas at makipagtaguan sa mga pulis upang magawa ang kanilang mapayapa namang libangan.


PAMBIHIRANG KARANASAN

Nang una akong mayaya na magtupada sa California ay medyo nagdahilan ako. Siyempre, kabado tayo at saka halos kakarating ko lamang noon sa U. S. kaya medyo busog pa tayo sa sabong ika nga.
Pero nang mayakag ako ulit, sumama na ako. Komo mga dalawang buwan na ako noon sa Amerika, eh talagang ramdam ko na rin ang “kati” na kailangan nang kamutin.
Araw ng Linggo ang sabong. Sabado pa lamang ng umaga ay tinatawagan na namin ang nag-imbita sa amin para itanong kung saan ang tupada, pero, hindi pa raw masasabi. Tumawag na lang daw kami sa gabi.
Sabado ng gabi, tawag ulit kami. Hindi pa rin sinabi kung saan ang sabong, pero, magkita-kita na lamang daw sa McDonald.
Kinaumagahan, alas-tres pa lamang ay gising na kami ng mga kaibigan kong si Ken Cantero ng Gen. Santos City at Jessie Jorge ng Olongapo.
Paspasan na. Ligo. Bihis. Handa ng baon.
Wala kaming dalang manok dahil naimbitahan lamang kami ng mga “ka-classmate” natin na sina William Caerlang ng Paniqui, Tarlac at Lowell Bartido ng Cebu.
Alas-kuwatro, nasa freeway na kami. Tuwing may matatanaw akong McDonald, pumoporma na akong bumaba. Pero isang-daang tindahan na yata ng McDonald ang nadaanan namin eh tuloy pa rin ang takbo namin.
Makaraan ang mahigit isang oras na pagbibiyahe, lumabas kami ng freeway. “Salamat”, sabi ko sa sarili ko. ‘Yun pala ay dadaanan pa lamang namin si Lowell. Biyahe ulit.
Pagkaraan ng kulang-kulang isang oras, McDonald na. Wala ang kausap namin. Me nagtext. Ibang McDonald pala. Takbo ulit. Okay, nagkita-kita na.
Tatlong sasakyan ang naghihintay sa amin. Mga utility van na puro itim at puro tinted. Tan-tan-tantatan…Parang pinaghalung Mission Impossible at Men In Black.
Sunod na kami. Diretso. Kumanan. Kumaliwa. Kanan ulit. Kaliwa. Tumawid ng riles. Diretso, kaliwa, kanan. Kalahating-oras na. Oops, bumagal. Eto na siguro. May mga manok. Binuksan ang gate. Pero sa halip na pumasok kami, may lumabas na sasakyan. Maniobra kami lahat. Susunod pala kami don sa lumabas na sasakyan dahil ‘yun ang guide.
Takbo ulit. Kaliwa. Diretso-diretso. Kaliwa. Kaliwa. Kaliwa. Teka, paikot-ikot na ‘to. Matapos ang halos isang oras na mala-tsubibo na paglalakbay, biglang pumasok sa isang gate. Mga kalahating kilometro mula sa gate, dinatnan namin ang mga dalawampu sigurong iba-ibang klaseng sasakyan. Marami-rami nang tao. Mga limampu. Puro lalaki. Tilaukan ang mga manok.
Mag aalas-otso na kami nakarating sa napiling tupadahan ng linggong ‘yun. Napag-alaman ko na wala palang permanenteng lugar para mahirap matunton ng mga awtoridad. Palipat-lipat. Bawat lingo, ibang lugar.
Nasa gitna kami ng kabundukan. Kahit saan mo ibaling ang tingin mo, bundok. Wala kang makikitang ibang tao sa paligid maliban doon sa mga kasali sa derby. Nagbibiruan na. Kung saan daw ang takbo kapag nagkahulihan. Pero, naisip ko, mukhang safe naman. Puwera na lamang kung gagamit ng helicopter ang mga pulis.

FIRST-CLASS ACCOMODATION?

Nag-ikot-ikot muna kami. Nakakalat ang mga entries.
Cockhouse? Wala. May nasa ilalim ng puno. May mga nasa folding pen. May nasa carrying cases. May mga nakatali lamang sa damuhan. Walang bubong. ‘Yung iba naglagay ng plywood o kaya ay lona para medyo malilim. ‘Yung medyo “can afford” siguro, may dalang camper kaya naka-aircon manok nila.
Sa bandang gitna, may nag-iihaw ng karne. May naghihiwa ng mga gulay. May nag-aayos ng mga beer at softdrinks. Wala ring bubong. Isang mahabang mesa lang. Ang bango nang iniihaw.
“Libre naman pala ang pagkain, ba’t nagdala pa tayo” , sabi ko kay Jessie.
“Ano ka, binebenta ‘yan”, pahiya ako.
Kasi ba naman, pagbaba pa lang namin sa sasakyan, siningil na kami ng entrance fee. 20 dollars bawat isang tao. P1,000 na ‘yun, pero, wala man lang libreng tubig. Sobrang init. Nakakauhaw talaga.
Rueda? Ayos lang.
Isang lumang kamalig (barn) kung saan ang gitnang bahagi na siyang paglalabanan ay binakuran ng dos por tres na kahoy.
Upuan? Ayos din.
Kanya-kanyang dala. ‘Yung sentenciador lang ang may upuan kasi medyo may diperensiya na ang kanan paa. Baldado na, dahil sa guhit pa lang ng mga noo at tubo ng bigote ay mahahalata mo na multi-time winner na ika nga.
Nakadampot ako ng lumang pangdilig na gawa sa matigas na yero. Itinabi ko na. Me upuan na ko.
Mag-uumpisa na kaya minabuti namin na kumain muna.. Binuksan ang compartment ng kotse kung saan naroon ang baon namin. Tayuan lang.
Naparami yata kain nung isa. Kumulo ang tiyan. Nakadampot ng papel. Nagtago sa likod ng isang puno. Nakaraos din.


DERBY NA!!!

Ilan pang sandali, timbangan na. Kabitan na ng legbands . Nag-matching. Kwidaw ka, Pinoy ang matchmaker. Pero mga puti ang nagpapatakbo. Puti rin ang nangongolekta ng entrance fee at pot money. Ba’t ganon, sila palagi ang me hawak ng pera.
5-cock ang derby. 1,000 dollars (P53,000) ang entry fee. Winner-take-all ang labanan. 20 lahat ang kasali kaya bale $20,000 (P1,000,000 mahigit) ang premyo. Ang laki di ba?
Nai-match na. Pero hindi mo alam kung sino ang kalaban mo at kung anong fight ka o anong oras ang laban mo. Malalaman mo lang na oras na para lumaban ang manok mo kapag tinawag na ang entry number mo at nang kalaban mo para magtare kayo.
Mag-aalas-onse na ng umaga nang mag-umpisa ang sultadahan. Sa kaubuuan na 20 entry, siyam ang Filipino, pito ang Mexicano, tatlo ang puti at isang Vietnamese.
Paradahan na. Malalaki rin ang parada na umaabot mula $500 (P26,500) hanggang $3,000 dollars (P159,000.00).
Kwidaw ka ulit. Ang llamador, Pinoy din.
Bakbakan na. Me magagaling. Me sobrang gagaling. Me basura din.
Maingay din. Me sigawan din ng pusta. Me mga kristo rin. Me kantiyawan. Me biruan. Para ka na rin nakauwi nang Pilipinas.
Nakakatuwang panoorin. Mga nilalang na isinilang sa iba-ibang bansa; lumaki na may iba-ibang pananalita; may iba-ibang relihiyon; may iba-ibang kultura at pag-uugali; magkakaiba ang pananaw at paniniwala; magkakaiba ang edad; magkakaiba ang kulay ng balat, pero, napag-isa at napagsama ng kanilang hilig at pagmamahal sa sabong.
Nangarap tuloy ako. Kung matuturuan lang siguro na magsabong ang lahat ng tao sa buong mundo, baka wala ng giyera.
Sinasabi na ang bawat tao ay may natural cravings o angkin pangangailangan para makipagtungali o makasaksi ng mga paglalaban o kompetisyon. Sa pamamagitan ng sabong ay nairaraos ng mga sabungero ang pangangailangang ito. Kaya hindi nakakapagtaka na ang mga sabungero ay masayahin, mababait at magaling makipagkaibigan. Romantiko pa, ayon kay yumaong Pareng Totoy de la Cruz.
Tuloy ang paluan, angatan, liparan at kikigan.
Aba, pasolo ang entry ng grupo namin. Pa-five points. Kami lang ang wala pang talo. Naki-namin na rin ako, maganda kasi ang iskor.
Binitawan. Nag-angatan. Paglapat sa lupa, pilay ang manok namin. Disgrasya ang $20,000. Patay ang balato ko.
Insurance? Di yata uso ang insurance don.
Teka muna, pasolo ulit. Tatlong-panalo at isang tabla ang entry ng Pinoy din na si Rene Medina a.k.a. Hapon (kapartner ng kaibigan kong si Vito Parado ng Pitmaster.com)
Binitawan. Umangat ang kalaban. Sumunod ang manok ni Rene. Napailalim. Naliigan. Gripo. Disgrasya na naman.
Natapos ang derby na apat ang champion sa iskor na 4 points bawat isa.
Umuwi kaming medyo lulugo-lugo. Hindi dahil sa hindi nakasolo-tsampiyon ang entry namin, kundi, dahil sa pagod at sa epekto ng matinding init.
Ang laking ginhawa ng aircon ng aming sasakyan, pero, parang lalong matagal ang pauwi. Nakatatlong panaginip na ako ay nasa kalsada pa rin kami.
Awa ng Diyos, nakabalik din kami sa bahay. Alas-siyete na ng gabi.
Kaarawan naman pala ng kapatid ni Ken na si Kuya Rey Cantero.
Pagdating namin ay luto na ang kalderetang kambing.
Sa pagitan ng paglagok ng malamig na beer at pagsubo ng mainit at medyo maanghang na pulutan ay masaya naming ibinahagi sa aming mga kaharap na mga Filipino ang tupadang aming naranasan.



<< BACK